Wed, 17 Oct 2018
30
Manila

LUNGSOD NG LIPA, BATANGAS, Oktubre 11 (PIA)- Ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform Provincial Office (DARPO) Batangas ang 189 CLOA's o Certificate of Land Ownership Award sa may 189 benepisaryong magsasaka at 36 na may-ari ng lote sa lalawigan ng Batangas sa isang simpleng seremonya sa CAP Building kamakailan.

Ang mga magsasakang ito ay mula sa mga bayan ng Nasugbu, Tuy, Lian, San Juan, Rosario, San Pascual, Lobo, Ibaan, San Jose, Balayan, Calaca, at Tingloy.

Ayon kay DAR Secretary Atty. John Castriciones, may mga kundisyon ang pagkakaloob ng CLOA sa mga benepisaryo tulad ng pagiging lehitimong magsasaka. Ang mga lupang ipagkakaloob ay hindi maaaring ipagbili o isangla sa loob ng sampung taon.

"Masuwerte po ang mga magsasaka natin dito sa Batangas dahilan sa pagkakaroon ng ganitong programa ng ating pamahalaan. Mahal po ng ating Pangulong Rodrigo Duterte ang ating mga magsasaka kaya't ang mga programang tulad nito ay ating pinag-iibayo. Ang lupa pong ipagkakaloob sa mga magsasaka ay hindi dapat mapalitan ng gamit at maaaring bawiin ang gobyerno kung lalabag sa pamantayan ng aming ahensya," ani Castriciones.

Dagdag pa ng opisyal na hindi lamang dito nagtatapos ang suporta ng pamahalaan dahil magkakaroon ng pagbubuo ng Agrarian Reform beneficiary Organizations na kung saan doon din dadaloy ang mga suporta para sa mga magsasaka tulad ng mga pagsasanay, kagamitan tulad ng mga traktora, trak, rice harvesters at post-harvest facilities.

Ang mga lupang ito ay hindi maaaring ipagbenta sa loob ng sampung taon na ito ay binabayaran pa at kung sakaling maibenta ito ay maaaring bawiin ng tanggapan at walang habol ang sinumang bumili dito. Maaari itong bawiin ng DAR para maibigay sa mas karapat dapat na mag may-ari nito.

Babayaran ng mga magsasaka ang lupa sa loob ng 10 taon sa Landbank of the Philippines (LBP) sa mababang halaga at walang kaukulang interes.

Isa sa mga benepisaryo ng programa si Lola Consolacion Brucal, 87 anyos mula sa Brgy.. Bataan sa bayan ng San Juan, siya ang pinakamatandang benepisaryo at ang pagtatanim ng niyog at saging ang ikinabubuhay.

Nagpahayag ito nang pasasalamat sa lahat ng naging daan upang maipatupad ang programa dahil ngayon ay maituturing niyang kanya ang lupang kanyang pinagyayaman.

Tinatayang nasa 4.8 milyong ektarya ng lupa ang naipamigay na CLOA sa buong Pilipinas at 2.8M na agrarian reform beneficiaries ang nakinabang simula noong 1988 sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program.

Alinsabay sa isinagawang awarding ng land titles ay ipinagkaloob din sa Department of Agrarian Reform Batangas ang ISO 9001:2015 certification na lalong magbibigay ng mas mataas na standard para sa kabuoang kakayahan ng kanilang ahensya.

Ang DARPO Batangas ay nakapasa sa ISO standards noong Mayo 5, 2018 at ito ay nag-iisa at kauna-unahang probinsya sa Luzon, ikatlo sa buong Pilipinas at isa sa apat na DAR Field Office na ISO certified. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!