Wed, 17 Oct 2018
26
Manila

DAET, Camarines Norte, Okt. 9 (PIA) -- Tinalakay ng Deparment of Health (DOH) ang kahalagahan ng New Born Screening (NBS) para sa mga bagong panganak na sanggol upang ipaalam sa publiko ang mga kondisyong maaaring malaman bago pa lumabas ang mga sintomas ng mga sakit.

Karamihan sa mga sanggol na mayroong congenital metabolic disorders ay mukhang normal pagkapanganak, subalit sa pamamagitan ng NBS ay mabibigyan kaagad ng karampatang lunas upang maiwasan ang mental retardation o maagang pagkamatay.

Sa ginawang press conference noong Biyernes, Okt. 5 sa Pratesi Cafe sa bayan ng Daet, sinabi ni Twinkle Lorilla, project development officer ng DOH ng Rehiyong Bikol na ang NBS ay simpleng pamamaraan na ginagawa sa bagong ipinanganak na sanggol upang masiguro na matutuklasan kung mayroong silang errors of metabolism at mabigyan ng pagkakataon na lumaki ng normal.

Aniya, ang NBS ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagkuha ng ilang patak ng dugo mula sa sakong ng sanggol na ipinapadala sa laboratory sa Maynila. Maaaring gawin ito ng mga doktor, nars, medical technologies o nagsanay na midwife sa mga hospital, lying-in o paanakan, health centers at pribadong klinik.

Makukuha ang resulta sa loob ng isa hanggang dalawang lingo. Kung ang resulta ay negatibo, nangangahulugan na normal ang bata subalit kung positibo ang NBS, ay nararapat na dalhin ang sanggol sa doktor para sa karagdagang pagsusuri.

Ang NBS ay bahagi ng newborn package ng PhilHealth. Kung may PhilHealth ang isang buntis na ina at siya ay nanganak ay kasabay na ito sa routine care na ginagawa sa mga hospital o sa mga lying-in.

Ito ay batas sa ilalim ng Republic Act No. 9288 na bawat ipinapanganak na Pilipino sa ating bansa ay dapat sumailalim sa NBS. Hindi ito optional at karapatan ng bawat bata na magkaroon nito.

Sa naturang batas ay mayroong obligasyon ang mga nurses at mga health workers sa mga hospital at lying-in na turuan ang mga magulang tungkol dito.

Upang masiguro ng DOH at PhilHealth na ito ay maipatutupad ay magiging requirement ang ganitong serbisyo bilang bahagi ng licensure at accreditation ng isang ospital. Hindi ang mga ito mabibigyan ng lisensiya kung hindi magsasagawa ng NBS services.

Samantala, hinikayat rin ni Lorilla ang mga local media sa Camarines Norte na matulungan silang maipamahagi ang mga impormasyong tinalakay sa press conference sa mga magulang lalo na sa mga buntis na matapos manganak sa loob ng 24 oras ay maisailalim ang sanggol sa NBS.(RBM/ROVillamonte, PIAV/Camarines Norte)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!