Fri, 21 Jun 2019

Tagalog News: Brigada Eskwela 2019 idinaos sa LCNHS

Philippine Information Agency
27 May 2019, 13:38 GMT+10

LUNGSOD NG LUCENA, Quezon, Mayo 27 (PIA)-- Isinagawa ng pamunuan ng Lucena City National High School (LCNHS) ang "Brigada Eskwela 2019" noong Mayo 20 bilang paghahanda ng pagbubukas ng klase ngayong Hunyo.

Sa naganap na kapihan sa PIA sa Pacific Mall Activity Center sa Lungsod ng Lucena, nanawagan si Rolito Inojosa, principal ng LCNHS sa mga volunteers at iba pang stakeholders na sila ay tulungang maisagawa ang "Brigada Eskwela," isang taonang aktibidad ng Dapartment of Education (DepEd) na nagsimula noong Mayo 20 at nagtapos noong Mayo 25.

Iba't-ibang klase ng pagtulong ang isinagawa ng mga nagboluntaryo kagaya na lamang ng pagbibigay ng pintura gayundin ng mga kagamitan sa paglilinis ng paaralan. Maaari ring magbigay ng donasyong cash na gagamitin sa pagsasaayos ng Lucena City National High School bago pa man magsimula ang pasukan sa Hunyo.

Kasama rin sa mga aktibidad ng Brigada Eskwela ang pagpipintura ng mga silid aralan, mga pasilidad at maging paglilinis ng buong compound ng paaralan.

Ang Brigada Eskwela ay sinimulang ipatupad ng DepEd noong 2003 sa mga paaralang pampubliko sa buong bansa na may layuning maisaayos at maihanda ang paaralan bago magsimula ang klase at ito ay naipapatupad sa pamamagitan ng tinatawag na "spirit of volunteerism" o kusang-loob na pagtulong ng mga taong naninirahan sa barangay gayundin ng mga guro at mga magulang ng mga batang mag-aaral at iba pang mga volunteers at stakeholders.

Kabilang sa mga stakeholders na patuloy na tumutulong sa Brigada Eskwela ng LCNHS ay ang mga kawani ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Information Agency-Quezon, Radyo Pilipinas -Lucena at iba pa.

Ang Lucena City National High School ay dalawang beses na nanalo o nakatanggap ng pagkilala sa Brigada Eskwela contest-regional category. (Ruel Orinday, PIA-Quezon)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!