Sat, 19 Oct 2019

Tagalog News: Kabataan, maging tagapagtaguyod ng katotohanan- PCOO

Philippine Information Agency
10 Jul 2019, 16:38 GMT+10

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Hulyo 10 (PIA) -- Hinihikayat ng Presidential Communications Operations Office o PCOO ang mga kabataang Kapampangan na maging tagapagtaguyod ng katotohanan sa pamamagitan ng programa nitong "Youth for Truth".

Sa kanyang diyalogo sa mga Sangguniang Kabataan Federation leaders sa lalawigan, binigyang-diin ni PCOO Secretary Martin Andanar ang mahalagang papel ng katotohanan at integridad sa pag-unlad ng lipunan.

Aniya, kahit na anong kayod para umasenso ang lipunan, kapag hinayaang kumalat ang maling impormasyon sa buong bansa, mawawasak ang mga institusyon ng pamahalaan.

Ito ang dahilan, ayon sa kalihim, kung bakit kailangang isapuso ng mga kabataan ang pagbibigay lamang ng tama at makatotohanang impormasyon.

Sinabi naman ni PCOO Director at Youth for Truth Program Head Vinci Beltran na nakatuon sila sa mga kabataan para sa nasabing adbokasiya dahil puno ang mga ito ng enerhiya at ideolohiya at maraming maaaring iambag sa lipunan.

Aniya, dahil ang mga kabataan ang pangunahing gumagamit ng social media kung saan talamak ang pagkalat ng pekeng balita at maling impormasyon, sila rin ang inaasahang pumuksa nito sa pamamagitan ng responsableng paggamit ng mga naturang 'channels'.

Dagdag pa ni Beltran, isa ring pamamaraan ang nasabing programa upang hikayatin ang mga kabataan na aktibong makibahagi sa iba't ibang napapanahong mga isyu sa lipunan.

Dahil dito, inanyayahan niya ang mga kabataan na maging youth correspondents at magsumite ng kanilang mga kwento at video blog sa PCOO Youth for Truth Program Head sa pamamagitan ng facebook page https://www.facebook.com/YouthforTruthPH/.

Mapapakinggan ang programang "Youth for Truth" tuwing Biyernes, 8:00-9:00 ng gabi sa Radyo Pilipinas 738 kHz at maaaring i-live stream sa www.facebook.com/RadyoPilipinas1.

Ang programang Youth for Truth ay bahagi ng kampanyang Dismiss Disinformation ng pamahalaan. (CLJD/MJSL-PIA 3)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!