Sun, 22 Sep 2019

'Puppet show' ukol sa dengue, umarangkada sa Palawan

Philippine Information Agency
19 Aug 2019, 22:38 GMT+10

(Larawang kuha ni Leila B. Dagot/PIA-Palawan)

'Puppet Show' ng Philippine Information Agency (PIA) Puppet Theater at Department of Health (DOH) - Mimaropa sa Cabayugan Elementary School sa Barangay Cabayugan, Puerto Princesa City. (LBD/PIAMIMAROPA/PALAWAN)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 19 (PIA) --- Tinungo ng Department of Health (DOH) - Mimaropa kasama ang Puppet Theater ng Philippine Information Agency (PIA) ang ilang pampublikong eskuwelahan sa lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan para sa puspusang kampanya kontra-dengue.

Layon nito na mapaangat ang kamalayan ng mga mamamayan maging ng mga bata tungkol sa sakit na dengue at kung paano ito maiiwasan o agad na malulunasan.

Sa isang linggong gawain, ipinakita ng Puppet Theater sa mga mag-aaral ng Buenavista Elementary School at Cabayugan Elementary School sa Puerto Princesa ang ilan sa mga hakbanging maaaring mai-ambag ng isang bata o ng komunidad upang maiwasan ang dengue partikular ang paglilinis ng kapaligiran.

Maliban sa puppet show, itinuro naman ng mga kinatawan ng Center for Health and Development (CHD) ng DOH ang mga sintomas ng dengue na maaaring maranasan ng pasyente at nararapat gawin sakaling tamaan ng sakit.

Kasunod ding isinagawa ng grupo ang kampanya kontra-dengue sa mga pangunahing eskuwelahan sa bayan ng Narra tulad ng Pilot Elementary School, Ipilan Elementary School, Damayan Bliss Elementary School at Panacan Elementary School sa Barangay Panacan.

Ang nabanggit na mga lugar ang isa sa mga may mataas at mabilisang pagtaas ng kaso ng dengue, base sa talaan ng kagawaran.

Nauna na nilibot ng PIA at DOH para sa adbokasiya ang bayan ng Rizal, at susundan ito ng parehong aktibidad sa bayan ng Sofronio Espanola. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!