Mon, 24 Feb 2020

Tagalog News: Operation Tabang sa Taal, inilunsad sa CamNorte

Philippine Information Agency
22 Jan 2020, 18:38 GMT+10

DAET, Camarines Norte, Enero 22 (PIA) -- Inilunsad ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte ang "Operation Tabang" para sa mga pamilyang naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal sa lalawigan ng BatangasInisyal na pinangasiwaan ito ni Gobernador Edgardo A. Tallado katuwang ang Provincial Information Office (PIO) at DWCN-FM Radyo Pilipinas.

Hinihikayat ni Gobernador Tallado ang lahat na maaaring tumulong sa pamamagitan ng kanilang pagbibigay donasyon o anumang pwede nilang maibahagi para sa mga naging biktima ng bulkan.

Aniya, ang mga malilikom na tulong ay dadalhin sa mga lugar o evacuation centers na bihirang madalhan ng tulong at kakaunti lamang ang natatanggap na relief assistance.

Ayon pa kay Tallado, mas prayoridad ang tubig at pagkain ganundin ang mga kasuotan na maaaring gamitin at iba pang mga kagamitan na mapapakinabangan ng bawat pamilya na nasalanta ng Bulkang Taal.

Ang mga maiipon na tulong ay agad ipadadala sa lalong madaling panahon sa lalawigan ng Batangas at ito ay pangmatagalan na isasagawa ng pamahalaang panlalawigan.

Ang mga tulong at donasyon ay maaaring dalhin sa lobby ng kapitolyo o istasyon ng DWCN-FM Radyo Pilipinas na matatagpuan sa Agro-Sport Center.

Ang DWCN-FM Radyo Pilipinas ay nakikipag-ugnayan naman sa mga himpilan ng istasyon ng radyo sa Camarines Norte upang mahikayat ang publiko na makiisa sa programa ng Operation Tabang ng pamahalaang panlalawigan.

Kasama rin sa magbibigay ng tulong ang samahan ng mga punong bayan o Mayor's League ng Camarines Norte kung saan ang mga malilikom na tulong ay isasama sa naipon ng kapitolyo na siyang mangunguna sa pagdadala ng mga donasyon.

Samantala, itinakda ni Governor Tallado ang emergency Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) full council meeting na gaganapin sa Session Hall ng kapitolyo probinsiya bukas, Enero 23.

Layunin ng pagpupulong na magplano, maghanda at magkaroon ng koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan ng lalawigan at sa ibat-ibang tanggapan ng pamahalaan para sa sama-samang pagtulong ng Camarines Norte sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal. (RBM/ROVillamonte/PG-PIO, PIAV/Camarines Norte)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!