Tue, 26 May 2020

Tagalog News: NFA, DOLE tuloy ang serbisyo ngayong Mahal na Araw

Philippine Information Agency
08 Apr 2020, 20:38 GMT+10

LUNGSOD QUEZON Abril 8 (PIA) -- Sa panahon ng krisis, kritikal na mapanatili ang seguridad ng pagkain at pati na ang seguridad ng mga mamamayan sa pamamagitan ng mga programa at serbisyo para sa mga manggagawa. Dahil rito, kasama ang National Food Authority (NFA) at Department of Labor and Employment o DOLE sa mga tanggapang mananatiling bukas ngayong Mahal na Araw.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases sa IATF Virtual Presser ngayong araw, na tuluy-tuloy ang trabaho ng NFA at DOLE upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan simula ng paglawig ng enhanced community quarantine (ECQ) hanggang ika-30 ng Abril.

Ayon sa administrador ng NFA Judy Carol Dansal, patuloy ang kanilang operasyon upang makakuha pa rin ng bigas ang DSWD at lokal na pamahalaan para sa kanilang mga kababayan na hindi makaalis ng bahay dahil sa ECQ. Patuloy rin ang serbisyo ng mga kamalig at deposito ng NFA para mapaglingkuran ang mga magsasaka at kooperatibang nagbebenta ng kanilang mga ani. Hindi rin titigil ang ganap na operasyon ng mga kabyawan ng palay para mapanatili ang supply ng bigas.

Ayon naman kay Secretary Silvestre Bello III ng DOLE, ang mga field offices ng DOLE ay patuloy na magpoproseso ng mga tinatawag na "CAMP establishment reports" upang mapabilis ang pagproseso ng tulong para sa mga manggagawa. Ang COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP ay tulong pinansiyal para sa mga manggagawa ng pormal na sektor upang maibsan ang epekto na dulot ng krisis ng COVID-19.

Nakipag-ugnayan na rin ang DOLE sa Landbank of the Philippines para sa mabilis na proseso at remittance ng pondo sa panahong ito. Mananatiling bukas rin ang lahat ng mga automated teller machines o ATM ng Landbank sa buong bansa.

Sa IATF Virtual Presser inihayag din Cabinet Secretary Nograles na 139,003 na regular at hind regular na manggagawa ang tumanggap na limang libong pisong tulong pinansyal mula sa CAMP. (JAMT/PIA-IDPD)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!