Tue, 02 Jun 2020

10 barangay sa Navotas, isasailalim sa ECQ, Mayo 23-31

Philippine Information Agency
23 May 2020, 16:38 GMT+10

LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 23 (PIA) --Sampung barangay sa Navotas ang isasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) mula bukas, May 23, 5:01am, hanggang sa May 31, 11:59pm.

Kabilang dito ang Barangay NBBS Dagat-Dagatan, NBBS Kaunlaran, NBBS Proper, San Jose, NBBN, Sipac Almacen, Daanghari, Tangos North, Tangos South, at San Roque.

Ayon sa Regional Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases-National Capital Region (RIATF NCR), ang mga barangay na ito ang may pinaka-mataas na bilang ng kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.

Sa Executive Order No. TMT-030, inilatag ni Mayor Toby Tiangco ang mga patnubay para sa mga residente ng mga barangay na nasa ilalim ng ECQ. Binigyan niya ng diin ang mahigpit na pagpapatupad ng polisiya sa home quarantine pass (HQP).

"Isang miyembro lang ng sambahayan ang maaaring gumamit ng HQP. Hindi na pwedeng magbigay ng bagong HQP ang barangay," aniya. "Tanging mga may hawak ng HQP ang makalalabas sa nakatakdang iskedyul ng kanilang barangay."

Ang Navotas ay nagpapatupad ng barangay-based market schedule.

Ang mga may hawak ng HQP sa Barangay San Rafael Village, NBBS Kaunlaran, Bangkulasi, Bagumbayan South, Navotas East, Sipac-Almacen, Daanghari, Tangos North, at Tanza 1 ay makalalabas ng bahay para mamili ng pangangailangan kapag Lunes, Miyerkules at Biyernes.

Ang mga residente naman ng Barangay NBBS Proper, NBBS Dagat-Dagatan, NBBN, Bagumbayan North, Navotas West, San Jose, San Roque, Tangos South, at Tanza 2 ay makalalabas lamang kapag Martes, Huwebes at Sabado.

Ang mga pamilihang bayan ay nakasara pag Linggo para sa paglilinis at disinfection.

"Ang mga essential workers o exempted ng IATF, kabilang ang mga nagtatrabaho sa Philippine Fisheries Development Authority, ay maaaring pumasok sa trabaho pero dapat dala nila ang kanilang valid company ID o certificate of employment," ani Tiangco.

Mahigpit din ipinag utos ng punong lungsod ang maayos na pagsusuot ng face mask sa lahat nang lalabas ng knailang bahay, dapat na natatakpan ang ilong at bibig, sumusunod sa 1 o 2-metrong physical distancing at umiiwas na makipagkumpulan.

"Ang mga vulnerable sector tulad ng mga matatanda at bata ay hindi pwedeng lumabas maliban kung may emergency," dagdag niya. "Ang pamamahagi ng social amelioration subsidy, relief goods at iba pang tulong ay dapat alinsunod sa schedule ng mga barangay."

Ipinaliwanag ni Tiangco na base sa datos ng City Health Office, mataas ang posibilidad ng hawaan ng community acquired respiratory diseases sa mga palengke at iba pang pampublikong lugar.

"Meron na tayong 138 kaso ng COVID-19. Kailangan nating doblehin ang pagsisikap para mapabagal ang pagdami ng mga kaso sa ating lungsod," aniya.

"Sa pamamagitan ng ECQ at ng pagpapatupad ng barangay-based scheduling, umaasa tayong malilimitahan ang bilang ng mga taong lumalabas sa parehong oras at mabawasan ang panganib na mahawaan sila ng COVID-19 o makahawa sila sa iba," dagdag niya. (Navotas PIO/PIA-NCR)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!