Sun, 12 Jul 2020

Turnover Ceremony ng COVID-19 facility sa Biaan City, isinagawa

Philippine Information Agency
29 May 2020, 09:38 GMT+10

BAY, Laguna, Mayo 29 (PIA) - Isinagawa ang Turn Over Ceremony ng Alonte Sports Arena na ginawang Mega We Heal As One Center COVID-19 Facility sa Lungsod ng Binan ngayong araw.

Pinangunahan ni Deputy Chief Implementer against COVID-19 Vince Dizon ang maikling palatuntunan kung saan nagkaroon ng walkthrough activity sa pasilidad na opisyal na bubuksan sa Hunyo 1, 2020.

Ayon kay Sec. Dizon,masasabi niya na ang naturang COVID-19 Facility ang pinakamagandang quarantine facility para sa kanya sa ngayon, " Una maraming natutuhan sa mga quarantine site natin. Ang pinaka importante rito ay hinarangan ng DPWH iyong bleachers."

Aniya hindi gaya sa ibang mga quarantine facility ay may harang ang mga bleacher sa naturang pasilidad sa Binan na makakatulong sa higit na pagkontrol sa espasyong gagalawan ng mga may sakit upang maiwasan ang mas ma-expose ang mga ito at maka-expose pa sa ibang tao.

Ang naturang pasilidad ang kauna-unahang Mega We Heal As One Center sa Calabarzon at ika-sampu naman sa buong bansa kaya naman naghatid ng pasasalamat si Sec. Dizon sa pamahalaang lungsod ng Binan at sa Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna.

Dito umano ilalagak ang ilang mga pasyenteng positibo sa COVID-19 na may mild symptoms o kaya ay asymptomatic.

Dagdag pa ni Deputy Chief Implementer, malaki ang kanyang pasasalamat sapagkat sa maigting na pagtutulungan ng pamahalaang lokal at nasyunal ay naisaayos ang pasilidad sa loob lamang ng isang linggo.

Ang naturang konstruksyon ay nagsimula noong nakaraang Mayo 18 at natapos naman nang Mayo 22, 2020.

Mayroong kabuuang 68 cubicles ang pasilidad. Ganunpaman, pinayuhan ni Department of Health Region 4A o DOH 4A Assistant Regional Director Paula Paz Sydiongco ang Department of Public Works and Highways o DPWH na magbawas ng mga cubicle sa gitnang bahagi nang sa gayon ay magkaroon ng mas malawak na galawan ang mga health care workers lalo na kung mayroong emergency.

Sinabi naman ni Mayor Arman Dimaguila na agad silang pumayag na gawing mega facility ang Alonte Sports Arena dahil naniniwala siya na ang problema ng buong bansa ay kainakailangang kasama ang kanilang bayan sa pagbibigay ng solusyon.

Aniya dahil ito ay pambansang suliranin, lahat dapat ng mga LGU ay makiisa at hindi dapat na magkaroom ng diskriminasyon sa mga maysakit kahit pa may ilang mga mamamayan na hindi paborable ang reaksiyon sa paggamit sa naturang pasilidad bilang quarantine facility.

Sa kasalukuyan, mayroong kabuuang 432 quarantine facilities sa iba't ibang istratehikong lugar sa rehiyon na may 5,056 na kama at mayroong kabuuang 759 na mga admitted na pasyente sa huling tala noong Mayo 26, 2020. (Joy Gabrido/PIA4A)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!