Tue, 11 Aug 2020

LGU Liliw tutukoy ng mga hanapbuhay para sa magbabalik-probinsya

Philippine Information Agency
04 Jul 2020, 06:38 GMT+10

BAY, Laguna, Hunyo 4 (PIA) - Sa kabila ng pagsubok na dinaranas ng bayan ng Liliw dahil sa epekto ng pandemyang Coronavirus Disease (COVID-19), pursigido ang lokal na pamahalaan ng Liliw na tumukoy ng oportunidad sa hanapbuhay sakaling may mga kababayang mag-balik probinsya.

Sa panayam ni Philippine Information Agency (PIA) Calabarzon Regional Director Ma. Cristina Arzadon kay Mayor Ericson Sulibit, sinabi nito na sisikapin nilang makapaghanap ng mga oportunidad para makapaghanapbuhay ang mga kababayan nilang uuwi sa ilalim ng programang Balik Probinsya Program.

"Paano kung pagdating (ng mga uuwi sa ilalim ng programa ay) dala ang pera, nandiyan na iyong ayuda, pati iyong kaalamang teknikal na ibinigay ng ano (ng gobyerno) pero ang tanong saan kaya dito? So through that siguro mag-a-identify kami ng mga lugar na pwede naming maitulong sa kanila," paliwanag ng Alkalde.

Sa ngayon aniya ay inaaral ng lokal na pamahalaan kung saan-saang lugar at larangan maaaring mabigyan ng mapagkakakitaan at pagkakabuhayan ang mga kababayang magdedesisyong umuwi at muling manirahan sa bayan ng Liliw.

Bilang isang payak na bayan parikular ay nasa kategorya bilang 4th class na munisipalidad, aniya madali na makapagpabalik ng mga mamamayang nais umuwi ngunit isang pagsubok para sa lokal na pamahalaan kung paano masusustena ang kanilang pangangailangan habang nananatili sila sa bayan ng Liliw.

Aniya 65 porsiyento ng lupain rito ay pang-agrikultura kaya't mayorya sa maiaalok na trabaho ay may kaugnayan sa pagsasaka at pagtatanim.

"Sana lang pagdating nila dito ay narito pa rin ang kanilang pamilya na ang inaasahan ay ang pagtatanim ng gulay, nang sa gayon ay mabilis silang maka-relate," saad ng Mayor.

Binigyang-linaw naman ni Regional Director Arzadon na layunin ng pamahalaan nasyunal na gawin ito sa isang whole-of-government approach kung saan magtutulong tulong ang mga lokal at nasyunal na pamahalaan at ahensya upang maitaguyod ang layunin ng programa.

"Ang ino-ooffer naman ng national government is iyong whole-of-government approach pa rin, so kung kunwari ang agriculture, Department of Agriculture (DA), pwedeng may i-identify na isang industriya na may koneksyon sa agrikultura at pwedeng pumasok ang DA, magbibigay ng pondo o kaya iba pang ahensya gaya ng DTI," paliwanag ng Direktor.

Kaugnay nito, patuloy rin ang pamahalaang nasyunal sa pagtukoy ng mga oportunidad sa trabaho at kabuhayan na maaaring mapasukan ng mga Pilipinong magbabalik-probinsya.

Kamakailan nga ay bumisita sa ilang establisyamento at kumpanya sa Calabarzon si Communications Secretary Martin Andanar, kasama ang iba pang kawani ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), partikular sa mga probinsya ng Batangas at Quezon upang makita ang potensyal na mga lugar na makapag-aalok ng hanapbuhay.

Bilang pagsuporta naman sa programa ay tumutulong ang PIA Calabarzon upang maabot rin ang ilang mga bayang hindi na mabibisita ng pamahalaang nasyunal dahil sa lawak ng sakop nito. Nauna na nga rito ang bayan ng Liliw.

Magpapatuloy ang inisyatibong ito upang masiguro ang kapakanan at ikabubuhay ng mga mamamayang sasailalim sa programang Balik Probinsya. (Joy Gabrido/PIA4A)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!