Sat, 15 Aug 2020

Kapitolyo, tututukan ang paglaban ng San Jose Del Monte sa COVID-19

Philippine Information Agency
08 Jul 2020, 18:38 GMT+10

LUNGSOD NG MALOLOS, Hulyo 8 (PIA) -- Nangako si Gobernador Daniel R. Fernando na mahigpit siyang makikipagtulungan sa pamahalaang lungsod ng San Jose del Monte at tututukan ang paglaban sa COVID-19.

Sa ginanap na pagpupulong, binigyan halaga ng punong lalawigan ang koordinasyon at pagiging mapagmasid upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Mahalaga anya ang maibukod o ma-isolate ang pasyente at ang mga nakasalamuha ng nagpositbong indibiduwal upang maiwasan ang paghahawa.

Ayon kay Fernando, lahat ng Bulakenyo ay apektado rito kaya kailangan na magtulungan, palakasin ang coordination at home quarantine para mabantayan kahit ang mga suspect cases.

Ang pagiging pinakamalapit umano ng Lungsod ng San Jose del Monte sa epicenter ng virus kaya patuloy na tumataas ang kaso ng nagpopositbo sa coronavirus.

Sinabi naman ni Mayor Arthur Robes na karamihan sa kanilang populasyon ay sa Metro Manila ang trabaho ngunit hindi sila maaring mag-lockdown dahil sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya na nakaaapekto na sa kanila.

Aniya, bagaman binuksan ang mga negosyo, mahigpit sila sa pag-observe ng protocols. Bumuli din ang pamahalaang lungsod ng swab kits, nakipag-tie up sa Philippine Red Cross, sa league of mayors at sa bubuksang private hospital para mas mabilis ang paglabas ng resulta.

Hiniling naman ni City Health Officer Betzaida Banaag na sana ay mapabilis ang paglabas ng resulta upang mabilis din nilang maisagawa ang contact tracing, gayundin ay maibigay sa kanila ang kumpletong detalye ng sinumang nagpositibo sa COVID-19 sa kanilang lungsod.

Sa huli, sinabi ni Fernando na habang nasa modified general community quarantine, mahigpit na babantayan ang mga pasukan at labasan sa National Capital Region kaya inatasan na niya si Police Provincial Director PCol. Lawrence Cajipe na palakasin ang OPLAN SITA lalo na ang pagsusuot ng mask at social distancing.

As of July 7, ang San Jose Del Monte ay may kabuuang 119 kumpirmadong kaso kung saan 58 na ang gumaling habang 8 ang nasawi. (CLJD/VFC-PIA 3)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!