Sat, 15 Aug 2020

PRC Molecular Laboratory sa Batangas, bukas na

Philippine Information Agency
09 Jul 2020, 18:38 GMT+10

LUNGSOD NG BATANGAS, Hulyo 9 (PIA) --Pormal na binuksan ng Philippine National Red Cross sa Batangas ang Molecular Laboratory na matatagpuan sa kanilang tanggapan sa lungsod na ito noong ika-8 ng Hulyo, 2020.

Pinangunahan ni PRC Chairperson and CEO Senador Richard Gordon ang inagurasyon ng pasilidad na may apat (4) na RT-polymerase chain reaction (RT-PCR) machines na maaaaring magsagawa ng 4,000 test kada araw.

"Ang molecular laboratory na ito ay may pinakamalaking testing capability sa Calabarzon Region. Kaya nitong magserbisyo maging sa kalapit lalawigan tulad ng nasasakop ng MIMAROPA. Ang Batangas ay isa sa mga lalawigan na nakakatuwang tulungan dahilan sa nakikita mo na mismong ang mga tao dito ay maaasahan at masisipag. Ang COVID-19 ay isang kalabang hindi natin nakikita kaya't dapat sanayin natin ang ating sarili sa paglilinis ng kamay, pagsusuot ng face mask at pinakamahalaga ang pag-practice ng social distancing," ani Gordon.

Aniya pa, nagpursigi siya na maghanap ng paraan at makipag-usap sa mga kaibigan at iba pang donors upang makapaglagay ng mga ganitong pasilidad dahil maraming tao ang nangangailangang sumailalim sa pagsusuri sapagkat ito lamang ang susi upang makabangon ang ating ekonomiya lalo na at maraming mga economic zones, techno-parks at industrial zones sa lalawigan ng Batangas.

Binigyang-diin pa ni Gordon ang kahalagahan ng tulong na maibibigay ng media upang maipakalat ang impormasyon ukol sa molecular laboratory at mahikayat ang publiko na sumailalim sa pagsusuri. Aniya kung ang mga target na bilang sa lalawigan ng Batangas ay masusuri, mayroong 88 araw para sa Batangas upang ma-flatten ang curve.

Sinabi naman ni IATF Deputy Chief Implementer Vince Dizon na ang tanging paraan upang malabanan ang COVID-19 ay ang pagsasama-sama at pagtutulungan ng bawat isa.

"Napakahalaga ng molecular laboratory na ito dahil isa ito sa kinakailangan habang unti-unting binubuksan ang ating ekonomiya, kung hindi tayo magsasagawa ng mga testings, mas mahihirapan tayong ibalik ang ating ekonomiya," ayon kay Dizon.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Governor Hermilando Mandanas dahil sa pagbubukas ng naturang pasilidad mas mabilis nang malalaman ang resulta ng mga pagsusuri at mas marami ang kapasidad nito kaya't mas mabilis ang gagawing pagkilos upang mas labanan ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay Ronald Generoso, PRC Batangas Administrator, malaking bagay ang pagkakaroon ng Molecular Laboratory sa lalawigan ng Batangas.

"Mas mabilis nating matutukoy ang mga posibleng carriers ng virus gayundin makakatulong tayo sa ibang mga kalapit rehiyon at lalawigan natin. Nakalikom po ang Red Cross mula sa iba't-ibang donors sa pamamagitan ni Chair Gordon ng halagang P33M at ito ang inisyal na halaga upang makapagtayo ng ganitong uri ng laboratoryo," ani Generoso.

Ito ang ika-anim na molecular laboratory na binuksan ng PRC at marami pang parehong pasilidad ang nakatakdang buksan sa iba't-ibang bahagi ng bansa upang makatulong sa paglaban kontra COVID-19. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!