Sat, 15 Aug 2020

Dalaw at padala sa Provincial Jail, ipinagbabawal muna

Philippine Information Agency
10 Jul 2020, 16:38 GMT+10

CITY, Cagayan, July 10 (PIA) - - Matapos magkaroon ng isang positibong kaso ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) ang Cagayan Provincial Jail (CPJ) ay ipinagbabawal muna ang pagdalaw ng mga kapamilya at mahal sa buhay ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) na nakapiit doon.

Ayon kay Warden Catalino Arugay, pinuno ng CPJ, maging ang pagtanggap ng mga padala mula sa mga kaanak ng mga nasa loob ng provincial jail ay sinuspindi pansamantala para masigurong walang hawaan sa loob ng piitan.

"E-dalaw muna o electronic dalawa kung saan pwedeng kumustahin ng mga kaanak nila sila sa pamamagitan ng video call," ayon kay Arugay.

Dagdag pa ni Arugay na nasa mabuting kalagayan naman si CV 143 na pinaniniwalaang nahawaan ng COVID-19 noong siya ay nasa Caloocan City pa.

Ani Arugay bagong pasok sa Provincial Jail ang pasyente dahil nagtago ito ng mahabang panahon sa Caloocan City. Noong nahuli ng mga pulis ay kailangan ibiyahe ito sa Cagayan dahil ang kinakaharap niyang kaso ay nakalagak sa korte dito sa lalawigan.

Meron naman umanong resulta ng swab test ang nasabing PDL na negatibo sa virus subalit noong isinailalim siya sa rapid test pagdating sa lalawigan ay nagpositibo ito.

"Noong isinailalim siya sa confirmatory test ng DOH ay nagpositibo rin kaya agad natin itong isinailalim sa isolation," pahayag ni Arugay.

Siniguro rin ni Arugay na walang ibang nakasalamuha ang nasabing pasyente maliban sa tatlong pulis na nag-escort sa kanya noong bumiyahe ito mula Caloocan City.

Isinailalim din sa rapid test ang 110 na mga PDL at ang 36 na mga empleyado ng nasabing piitan.

Ayon pa kay Arugay na paguusapan din ngayon ng Provincial Inter-Agency Task Force ang mga ipapatupad na mga polisiya para masigurong walang hawaang magaganap sa loob ng piitan at masigurong ligtas ang lahat ng mga nasa loob nito.

Binigyan din ng pamahalaang panlalawigan ng vitamins at mga gamot ang lahat ng mga nasa piitan upang masigurong malusog at malakas ang resistensiya ng mga ito laban sa sakit. (MDCT/OTB/PIA 2-Cagayan)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!