Sat, 19 Sep 2020

Tagalog News: World IP Day virtual forum idinaos sa Nueva Ecija

Philippine Information Agency
15 Aug 2020, 00:38 GMT+10

LUNGSOD NG CABANATUAN, Agosto 14 (PIA) -- Idinaos ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP Nueva Ecija Provincial Office katuwang ang Philippine Information Agency ang isang talakayan bilang paggunita sa World Indigenous Peoples Day.

Ayon kay NCIP Nueva Ecija Provincial Officer Dr. Donato Bumacas, layunin nitong patuloy na iangat ang antas ng kamalayan ng mga kalalawigan hinggil sa usaping nararanasan ng mga katutubo hindi lamang sa Nueva Ecija kundi sa buong mundo.

Naging panauhing tagapagsalita sa programa si NCIP Ethnographic Commissioner for Region 3 and rest of Luzon Undersecretary Rolando Rivera gayundin si Nueva Ecija University of Science and Technology-Center for Indigenous Peoples Education o NEUST-CIPE Director Arneil Gabriel na nilahukan ng mga mamamahayag sa lalawigan at mga kawani ng NCIP sa rehiyon.

Pahayag ni Commissioner Rivera ay tanging ang bansang Pilipinas lamang sa buong mundo ang mayroong batas na kilalang Indigenous Peoples' Rights Act na nagbibigay proteksiyon at nangangalaga sa karapatan ng mga katutubo.

Ito aniya ay sapat nang dahilan upang magkaroon ng selebrasyon o magbunyi araw-araw ang mga kapwa katutubo sa bansa na mayroong sandigan upang maipaglaban ang karapatan.

Nagpaabot din ng pasasalamat si Rivera sa mga mamamahayag sa lalawigan at mga katuwang na ahensiya na patuloy sumusuporta sa NCIP at nagbibigay halaga sa taunang pagdiriwang ng araw ng mga katutubo.

Lalo aniya sa panahong ito ng krisis dulot ng COVID-19 na nararanasan din ng mga katutubo.

Kaniyang dagdag, hindi din ligtas ang mga IP sa pandemiyang nararanasan ng bansa na lubos ding nangangailangan ng mga kagamitan upang makaiwas na mahawa ng sakit.

Paliwanag ni Rivera, ang new normal ng mga ordinaryong Pilipino ay old normal naman para sa mga katutubo katulad ang pagsasagawa ng lockdown na noon pa ay nakasanayan nang gawin upang mapigilan ang ibang tao na makapasok sa mga kani- kaniyang cultural community.

Likas din aniya na maparaan at resilient ang mga katutubo kung kaya't kanilang napakikinabangan ng maayos ang mga cultural assets sa panahong ito ng pandemiya.

Sa nasabing talakayan ay iniulat din ni Gabriel ang estado ng mga katutubong mag-aaral na ginagabayan ng tanggapan partikular ay kasalukuyang hinahatidan ng mga module para sa nalalapit na pagbubukas ng mga klase. (CLJD/CCN-PIA 3)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!