Sun, 25 Oct 2020

Tagalog News: Isolation Building sa bayan ng Bulalacao, pinasinayaan

Philippine Information Agency
18 Sep 2020, 00:38 GMT+10

Pinangunahan ni Gob. Humerlito A. Dolor (nasa gitna) ang seremonya ng ribbon cutting para sa pagpapasinaya ng Isolation Building ng Bulalacao Community Hospital (nasa taas na larawan) na magsisilbing lugar para sa mga pasyenteng may sintomas ng COVID-19. (Larawang kuha ng OrMindoro PISD)

BULALACAO, Oriental Mindoro, Setyembre17 (PIA) -- Pormal na pinasinayaan kahapon ni Gob. Bonz Dolor ang mahigit sa P3.4 milyong halaga na Isolation Building ng Bulalacao Community Hospital.

Ayon sa gobernador, ang naturang pasilidad ay napapanahon at inaasahang makatutulong laban sa pandemyang kinakaharap.

Pasasalamat ang ipinaabot ni Bulalacao Community Head Nurse Ma. Alda Gonzales sa pamahalaang panlalawigan dahil sa inisyatibo nito na magpatayo ng naturang pasilidad. Ito aniya ay kagaanan sa mga katulad niyang nangangalaga sa mga pasyenteng may sintomas ng COVID-19.

Ang bayan ng Bulalacao na binubuo ng 15 barangay ay isang third-class municipality na matatagpuan sa pinaka-dulong bahagi ng lalawigan. Ito ay may kabuuang populasyon na 39,107 katao ayon sa 2015 census ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Matapos ang inagurasyon sa nabanggit na pasilidad, pinasinayaan din ng gobernador ang 'board walk' sa Sitio Pocanil, Brgy. San Isidro

sa nasabing bayan. Ito ay isang tulay na gawa sa kawayan na nagsisilbing karagdagang atraksyon sa mga mamamayan at sa mga turistang dumarayo sa nasabing lugar.

Ayon kay Gob. Dolor, bahagi ito nang unti-unting pagbuhay at pagpapalakas ng sektor ng turismo sa lalawigan partikular sa bayan ng Bulalacao.

Kaugnay pa rin sa proyekto, pormal ding pinirmahan ni Gob. Dolor ang planong P8 milyong proyektong pang-turismo sa naturang sitio. Nakapaloob dito ang pagpapagawa ng Tourism Assistance Center, 'state of the art' na mga kubo at paggawa ng Tourism Site Development Plan.

Ayon pa sa gobernador, inaasahan na sa pamamagitan ng mga proyektong ito ay mas pasisiglahin at mas pagagandahin ang naturang lugar bilang bahagi ng pagpapalakas ng sektor ng turismo.

Ang bayan ng Bulalacao ay may layong 177.9 kilometro mula sa lungsod ng Calapan at ito ay mararating sa pamamagitan ng public utility vehicles o anumang pribadong sasakyan by land sa loob ng humigit-kumulang sa limang oras.

Samantala, kasama ng gobernador sa pagpapasinaya ng mga proyekto sa nabanggit na bayan ay sina Bulalacao Mayor Ernilo Villas, Bokal Mae Arlene Talens at Bokal Judy Ann Servando na siyang kumatawan kay Bise-Gob. Antonio Perez. (LTC/PIA-OrMin)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!