Tue, 02 Mar 2021

Tagalog News: Service Contracting Program ng LTFRB, pinalawig

Philippine Information Agency
18 Jan 2021, 16:38 GMT+10

LUNGSOD CALOOCAN, Enero 18 (PIA) -- Pinalawig ang implementasyon ng Service Contracting Program ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) hanggang Marso 2021.

Orihinal itong nagtapos noong Disyembre 19, 2020 subalit dahil sa nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11494 o mas kilala bilang Bayanihan to Recover as One, nakabilang dito ang extension ng programa.

Ayon sa LTFRB, itinakda ang extension ng programa hanggang Marso 2021 o hanggang sa maubos ang lahat ng pondong inilaan para sa programa, alinman ang maunang mangyari.

Layunin ng Service Contracting Program na masiguro na may maasahan at ligtas na pampublikong transportasyon para sa mga commuters habang may pandemya.

Sa ilalim ng programa, libre din ang sakay para sa ating mga healthcare frontliners na patuloy na lumalaban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ang mga interesadong Public Utility Vehicle (TPUJ, MPUJ, at PUB) driver na pumapasada sa mga bukas na ruta ngayong pandemya ay kwalipikado na magrehistro sa Service Contracting Program.

Tatanggap ng walk-in registration kada Lunes, Miyerkules, at Biyernes ngayong buong buwan ng Enero ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga drayber na interesadong sumali sa naturangg programa. Magtungo sa tanggapan ng LTFRB Central Office sa East Avenue 4th Floor, Multi-Purpose Hall tuwing 10 AM, 1 PM, at 3 PM.

Upang masunod ang Social Distancing, magkakaroon ng queuing number na may cut-off na hanggang 120 na drayber kada araw at nililimitahan lamang kada batch ng orientation sa 40 na drayber. Mahigpit ding ipatutupad ang No Face Shield, No Face Mask, No Entry.

Para sa mga interesado na magrehistro, dalhin at kumpletuhin ang mga sumusunod na requirements:

- Original at Photocopy ng Professional Driver's License;

- Certification na pirmado ng operator na nagpapatunay na siya ay awtorisadong drayber ng idineklarang unit;

- Photocopy ng valid ID ng Operator (likod at harap) na may tatlong pirma ng operator;

- Photocopy ng OR/CR ng mimamanehong Jeep;

- Photocopy ng Certificate of Public Convenience.

Pagkatapos mag-register, ang kwalipikadong drayber ay sasailalim sa oryentasyon na pamumunuan ng LTFRB at ng Systems Manager.

Regular na bisitahin ang LTFRB Official Facebook page para sa mga karagdagang impormasyon na ilalabas, patungkol sa Service Contracting Program sa mga susunod na araw. Para naman sa mga karagdagang katanungan, maaring tumawag sa LTFRB Program Implementing Unit Office - (02) 8529 - 7111 loc 845 o sa LTFRB 24/7 Hotline: 1342. (LTFRB/PIA-NCR)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!