Sun, 07 Mar 2021

Tagalog News: Mas pinatibay na First Plaridel-Pulilan Bridge bukas na

Philippine Information Agency
21 Jan 2021, 22:38 GMT+10

PLARIDEL, Bulacan Enero 21 (PIA) -- Pinadadaanan nang muli sa mga motorista ang mas pinatibay na First Plaridel-Pulilan bridge matapos isailalim ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa retrofitting.

Ayon kay DPWH First Bulacan District Engineer Henry Alcantara, bahagi ito ng Seismic Reduction and Resiliency program ng ahensya upang matiyak ang integridad ng matatandang istraktura sa bansa gaya ng mga tulay.

Taong 1946 pa nang muling naitayo ang tulay sa tulong ng pondo mula sa Philippine Rehabilitation Act na ipinasa ng Kongreso ng Amerika. Kabilang ang tulay na ito sa mga nawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Matatagpuan ang First Plaridel-Pulilan bridge na tumatawid sa ilog Angat sa hangganan ng mga bayan ng Plaridel at Pulilan.

Dalawang linya ito na bumabaybay sa bahagi ng Daang Maharlika at isa sa tatlong ruta sa Bulacan na daanan patungo sa hilaga-silangan ng Bulacan.

Sa pondong 46.8 milyong piso na ginugol dito, ginamitan ng mga pamamaraang structural steel painting works at structural concrete injection and crack repair ang retrofitting ng nasabing tulay upang makumpuni ang mga bitak at mga kinakalawang na kasukasuan nito. Permanente na ring pinaalis ang mga iligal na naninirahan sa paligid at ilalim ng tulay.

Ito'y upang masigurong walang sinuman o anumang dahilan na magpapahina sa istraktura nito, gaya ng pagsisiga sa ilalim ng tulay, pagkakulang ng mga turnilyo sa kasukasuan ng istraktura at mailayo sa anumang panganib ang mga taong dating naninirahan dito.

Para naman sa pagtitiyak na hindi basta-basta mapuputol o guguho ang tulay kapag tumama ang isang malakas na lindol, nilagyan din ng Elastomeric Bearing Pads ang mga tuntungan ng tulay sa mga poste.

Magsisilbi itong shock absorber ng tulay na sumusunod sa galaw tuwing may dumadaan na mabibigat na sasakyan at sakaling may pagyanig.

Ang Asphaltic Plug Joint naman ay inilagay sa bahagi ng pag-akyat at pagbaba ng tulay, upang hindi magkaroon ng malakas na dagundong o kalampag sa pag-ahon o pagbaba ng mga sasakyan.

Binalutan ng isang layer ng carbon fiber ang ilalim ng slab o sahig ng tulay upang hindi kapitan ng kalawang ang mga steel girder at huwag magkaroon ng pagka-agnas ang mga konkretong semento.(CLJD/SFV-PIA 3)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!