Fri, 26 Feb 2021

Kauna-unahang OneSTore Hub ng DOST sa Gitnang Luzon, pinasinayaan

Philippine Information Agency
22 Jan 2021, 00:38 GMT+10

LUNGSOD AGHAM NG MUnOZ, Enero 21 (PIA) -- Pinasinayaan ng Department of Science and Technology o DOST ang bago at kauna-unahang OneSTore Hub sa Gitnang Luzon.

Ayon kay DOST OIC-Provincial Science and Technology Director Leidi Mel Sicat, ito ay proyektong pinagtulungang itaguyod ng tanggapan katuwang ang pamahalaang lungsod agham ng Munoz at Central Luzon State University o CLSU.

Aniya, bukod sa kauna-unahan sa Gitnang Luzon ay maituturing din itong pinakamalaking OneSTore Hub sa bansa.

Ang konsepto o teknolohiya ay mula sa DOST, ang lokal na pamahalaan naman ng Science City of Munoz ang nagpatayo ng gusali na ang lupang kinatatayuan ay pagmamayari ng CLSU.

Pahayag ni Sicat, layunin ng proyekto na mapalawak ang market opportunity ng mga tinutulungang Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs hindi lamang sa Nueva Ecija kundi sa mga karatig pang mga lugar.

Aniya, ang unang palapag ng bagong gusali ay magsisilbing pasalubong center na maaaring paglagakan at direktang makabibili ng mga ipinagmamalaking gawang produkto ng bansa.

Paglilinaw ni Sicat, tanging mga lokal na produkto lamang na gawa at likha ng mga MSMEs ang itatampok sa DOST OneSTore Hub at hindi ang mga imported na mga produkto.

Sa kasalukuyan aniya ay mayroon nang mga food products at mga handicrafts na mabibili sa OneSTore Hub na mula mismo sa lalawigan at iba pang mga lugar tulad sa Aurora, Zambales, Aparri, Tuguegarao, Bohol at iba pa.

Bukod sa pagtulong sa marketing ay layunin din ng tanggapang makapagbigay ng libreng ayuda sa mga MSMEs upang lalong mapaganda at mapahusay ang mga likhang produkto gaya sa packaging, labelling, nutrifact o shelf life, mayroon ding libreng konsultasyon hinggil sa pagnenegosyo at iba pa.

Ayon pa kay Sicat, ang ikalawang palapag ng gusali ay magsisilbing dausan ng mga isinasagawang pagsasanay at pagtuturo ng DOST sa mga kliyente nito.

Matatagpuan ang OneSTore Hub sa DOST Compound, Science City of Munoz, Nueva Ecija na bukas mula alas-diyes ng umaga hanggang ala-siyete ng gabi.

Maliban sa mismong gusali ay maaari ding makita at makabili online ng mga produktong gawa ng mga MSME sa website na onestore.phna kung saan katulad ng mga shopping online site o application ay door to door din ang delivery ng mga bilihin.

Para sa ibang detalye ay maaaring tumawag sa himpilan ng DOST- Provincial Science and Technology Center Nueva Ecija na (044) 940 7668 o kaya ay magpadala ng mensahe sa kanilang social media page na DOST PSTC Nueva Ecija. (CLJD/CCN-PIA 3)

More Philippines News

Access More

Sign up for Philippines News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!